MAHIGIT na sa 10,000 ang mga health worker sa bansa na dinapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), nakapagtala pa ng karagdagang 356 health workers na na-infect ng COVID-19 sa nakalipas na linggo.
Sanhi nito, hanggang Oktubre 10 ay mayroon ng kabuuang 10,178 health workers sa bansa ang confirmed na COVID-19 positive.
Sa naturang bilang naman, 9,562 na ang nakarekober mula sa sakit, matapos na makapagtala ng panibago pang 462 recoveries.
Nananatili pa naman sa 553 medical workers ang active cases pa ng virus at sumasailalim sa gamutan at quarantine.
Samantala, umakyat naman sa 63 ang COVID-19 deaths sa hanay ng health workers, matapos na makapagtala ng dalawang bagong fatalities.
Ayon sa DOH, ang limang medical professions na nakapagtala ng pinakamataas na COVID-19 cases ay ang mga nurse na may 3,543 infections, mga doctor na may 1,801, nursing assistants na may 774, medical technologists na may 475, at mga midwives na may 262 cases.
Kabilang sa tally ang mahigit sa 500 na non-medical personnel gaya ng utility workers, security guards, at administrative staff.
Sa pinakahuling datos ng DOH, ang Filipinas ay nakapagtala na ng halos 340,000 COVID-19 cases na pinakamataas sa buong Western Pacific region.
Sa naturang bilang, halos 40,000 pa ang aktibong kaso, halos 294,000 naman na ang gumaling mula sa karamdaman at mahigit 6,300 naman ang sinawimpalad na bawian ng buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.