LAGUNA- MAHIGIT 100 estudyante ng Gulod National High School sa Cabuyao City ang isinugod sa iba’t- ibang hospital sa lalawigan matapos na mawalan ng malay sa gitna ng isinasagawang sorpresang fire drill nitong Huwebes ng hapon.
Sa pahayag ni Bobby Abinal Jr., chief ng Cabuyao City Disaster Risk Reduction and Management Office, 104 ang aktuwal na bilang ng mga estudyanteng isinugod sa hospital dahil umano sa gutom at dehydration na naranasan ng mga kabataan na lumahok sa nasabing fire drill.
Base sa record ng CDRRMO ng nabanggit na lungsod, kalahati sa mga biktima ay kinakailangan umanong i- confine, ayon sa mga doktor dahil sa severe dehydration dulot ng init ng araw at pagkagutom ng mga bata.
Idinagdag pa ni Abinal na wala umanong ginawang koordinasyon ang pamunuan ng naturang eskwelahan sa kanilang tanggapan at maging sa Bureau of Fire na isa sa requirements bago magsagawa ng fire drill.
Pawang mga Boy at Girl Scout students lamang umano at mga guro ng eskwelahan ang namahala ng nasabing drill na kulang umano ang kaalaman sa nasabing activities.
Ayon pa kay Abinal, pumalo sa 39 hanggang 40 degrees ang heat index nitong Huwebes dakong alas- 2 ng hapon kung kaya’ t hindi nakayanan ng mga estudyante ang “ init factor” sa nasabing school compound.
Wala rin umanong itinalagang medics ang pamunuan ng school na isa rin kinakailangan ihanda sa tuwing may mga fire drill.
Agad naman sinuspinde ni Cabuyao Mayor Dennis Hain ang klase sa naturang eskuwelahan para umano makapagpagaling ang mga estudyante at masimulan ang imbestigasyon. ARMAN CAMBE