LABING-ISANG alkalde ng Camarines Sur na kilalang balwarte ni Leni Robredo ang nagpahayag ng suporta kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa isang pribadong pulong nitong Lunes sa Makati.
Kasabay nito, nanawagan ang mga alkalde kay Marcos na tugunan ang dekadang problema ng probinsya sa insureksyon kung sakaling palarin itong manalo sa darating na halalan sa 2022.
Ayon kay Narvacan, Ilocos Sur Mayor at League of Municipalites of the Philippines president Luis ‘Chavit’ Singson, naganap ang pagpupulong ng mga alkalde at ni Marcos sa bahay ni House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez sa Makati.
Sa naturang pagpupulong, iginiit ni Singson na nagpahayag ang mga alkalde ng suporta kay Marcos sa darating na halalan.
“Tinanong ang mga alkalde kung ano ang maitutulong sa kanila ni Marcos ang agad nilang tugon ay tulungan sila na masolusyunan ang kanilang problema sa insurgency o sa NPA,” ayon kay Singson na dumalo rin sa naturang pulong.
Idinagdag pa ng mga alkalde na nag-aalala pa rin sila sa problema sa mga rebelde lalo na ngayon na mag-eeleksyon at inaasahang kikilos ang mga ito para manakot at mangikil ng pera sa mga pulitiko.
Agad naman tumugon si Marcos at sinabing buo niyang sinusuportahan ang National Task Force to End Local Communist (NTF-ELCAC) para wakasan ang kaguluhan dulot ng mga rebelde.
Iginiit din ni Marcos na suportado rin niya ang pagbibigay ng karagdagang pondo sa naturang ahensya para malutas ang problema sa rebelyon.
Kasama rin sa inilapit ng mga alkalde kay Marcos ang ilang problema nila sa imprastraktura sa kanilang mga bayan.
Humingi rin sila ng suporta kay Marcos para maipaayos ang mga tulay at kalsada sa kanilang lugar.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong ay sina Mayors Fermin Mabulo, San Fernando; Migay Ibasco, Bula; Tom Bocago, Sipocot; Melanie Abarientos, Del Gallego; Weny Sabalbero, Cabusao; Nelson Legaspi, Canaman; Anthony Reyes, Milaor; Ed Severo, Calabanga; Chris Lizardo, Minalabac; Leonardo Agos, Gainza at Boy Franco, Pamplona.