KINUMPIRMA kahapon ng Department of Health na 11 foreign nationals na nakapasok sa bansa ang inoobserbahan sa posibleng pagka-karoon ng novel coronavirus.
Sa ginanap na press briefing kahapon sa Malakanyang ay sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang 11 mga dayuhan ay kinabibilangan ng Chinese, German, Brazilian at American nationals na nakitaan ng mga sintomas habang nagbabakasyon sa bansa.
Tinukoy ni Duque na dalawa sa mga ito ay nasa Metro Manila, isa sa Mimaropa region, isa sa El Nido, Palawan, tatlo sa Western Visayas, isa sa eastern Visayas at tatlo sa Central Visayas.
Sinusuri na ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang 11 pasyente na may history ng pagbiyahe sa Wuhan, China kung saan nagmula ang sakit na novel coronavirus.
Ayon sa kalihim, apat sa 11 pasyente ang nakalabas na ng ospital ay nag-negatibo sa sakit habang ang test sample ng pitong iba pa ay ipinadala na sa Melbourne, Australia para sa confirmatory test at karagdagang pagsusuri.
Tiniyak ni Duque na nananatiling novel coronavirus-free pa rin ang Filipinas dahil wala namang mga pasyente na nagpositibo sa naturang sakit.
Nagpapatuloy ang pagpapatupad ng gobyerno ng mga hakbang gaya ng Task Force n-CoV, pinagting na boarder screening, at masusing pag-inspeksiyon sa mga posibleng may taglay ng virus sa mga dumarating na pasahero sa paliparan mula sa ibang bansa.
Kasabay nito ay umapela naman si Duque sa publiko na huwag magpakalat ng mga maling balita kaugnay sa nabanggit na sakit upang hindi na lumikha ng pagkabahala sa taumbayan.
Pinaiiwas din muna ni Duque ang publiko sa pagkain ng mga exotic food at mga hilaw na pagkain dahil sa novel coronavirus.
Ayon kay Duque mas makabubuting huwag munang kumain ng mga karne ng aso, pusa, daga, bayawak at iba pa at kung hindi makaiiwas ay tiyakin din namang matagal ang pagkakaluto sa mga ito upang masigurong mapatay ang mikrobyong dulot nito.
Pinaliwanag ng kalihim na marami nang sakit ang tao na nakukuha sa pagkain sa mga hayop kaya’t mas makabubuting iwas muna sa pagkain nito. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.