MAKATI CITY – SINALAKAY ng Makati City Police ang isang KTV bar na hinihinalang prostitution den kung saan na-rescue ang 11 kababaihan at nagdulot din sa pagkakaaresto ng 16 na Chinese kabilang ang may-ari ng naturang bar kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Kinilala ni Makati City police chief Police Col. Rogelio Simon ang inarestong may-ari ng naturang bar na si Shih Fang Chen samantalang anim na empleyado nito na hindi naman napangalanan ang nananatili pa rin sa himpilan ng pulisya na dumadaan sa masusing pagtatanong ng mga imbestigador.
Hindi rin napangalanan ang 11 mga babaeng na-rescue sa naturang operasyon na pawang mga Pinay at dayuhang entertainers.
Base sa report na isinumite ng Makati City police sa Southern Police District (SPD), naisakatuparan ang naturang raid bandang alas-3:30 kahapong ng madaling araw sa bar na pag-aari ni Chen na matatagpuan sa SR Makati Palace Hotel, Burgos St., Brgy. Poblacion, Makati City.
Nauna rito, nakatanggap ang himpilan ng pulisya tungkol sa ilegal na mga gawain sa loob ng naturang establisimiyento kung saan una munang nagsagawa ang pulisya ng surveillance operation.
Makaraang mapatunayan at magpositibo ang surveillance na isinagawa sa bar na pag-aari ni Chen ay agad na nagkasa ang Makati City police ng operasyon na nagdulot sa pag-rescue ng 11 babaeng biktima gayundin sa pagkakaaresto kay Chen at 15 pa niyang mga empleyadong Chinese.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang kaso samantalang inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban kay Chen sa Makati City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.