UPANG mapalaganap ang pagsusulong sa Federalismo, pinangunahan ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) ang motorcade noong Sabado mula Quirino Grandstand sa Luneta, Maynila hanggang Barasoain Church sa Malolos City sa Bulacan.
Sa panayam ng PILIPINO Mirror kay dating OFW Sectoral Rep. Omar Albano Fajardo, umaaasa silang maisasakatuparan na ang pagbabago ng konstitusyon patungo sa Federalismo.
Aniya, panahon na upang baguhin ang saligang batas dahil ang ilan sa mga probisyon nito ay hindi na magagamit dahil nasa yugto na ng new normal.
Aniya, 110 vehicles ang lumahok sa kanilang programa na nagsusulong ng rev-gov’t (revolutionary government).
Alas-2:30 ng hapon nang dumating sa makasaysayang simbahan ng Barasoain ang convoy ng MRRD-NECC mula sa Lungsod ng Maynila.
Nanawagan naman si MRRD-NECC Deputy National Spokesperson Bobby Brillante na lumahok sa pagsusulong nila ng Rev-Gov Cha-Cha bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
Ipinaliwanag naman ni Albano na sa nasabing simbahan ginawa ang paglulunsad ng Federal Presidential Parliamentary Form of Government dahil doon unang nahabi ang 1987 Constitution.
Pinangunahan naman ni MRRD-NECC Vice Chairman for Luzon former San Jose del Monte City Mayor Rey San Pedro ang pagsasara ng libro ng 1987 Constitution.
Habang si Vice Governor Willy Alvarado ang nagbukas ng New Era na bagong sistema ng gobyerno.
Dumalo rin sina DILG Usec. Martin Diño at Sec. Guillermo Mamodiong at ilan pang personalidad na kilalang nagsusulong ng Federalismo sa Filipinas.
Suportado naman ang movement nina Ret. Colonel at Brgy. Chairman Danilo Bugay, provincial Chair ng MRRD-NECC, at Vice Chair. Ret. Col.Romy Lanzarrote.
Tiniyak naman ni Gov.Daniel Fernando ang paglulunsad ng revolutionary government. THONY ARCENAL
Comments are closed.