115K TOTAL RECOVERIES SA COVID-19

DOH-4

UMAABOT na ngayon sa halos 115,000 ang bilang ng mga pasyente na gumaling na mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa case bulletin #161 na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang 4:00PM ng Agosto 22 ay nakapagtala pa sila ng 436 pasyente na gumaling mula sa virus, sanhi upang umabot na sa 114,921 ang total COVID-19 recoveries sa Pilipinas.

Samantala, iniulat  ng DOH na nadagdagan pa ng 4,933 ang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Filipinas hanggang kahapon ng hapon, sanhi upang umakyat na ito ngayon sa kabuuang 187,249.

“As of 4PM today, August 22, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 187,249,” anang DOH. “A total of 4,933 confirmed  cases are reported  based on the total tests done by 97 out of 109 current operational labs.”

“DOH likewise announces 436 recoveries.  This brings the total number of recoveries to 114,921,” anito.

Sa naturang mga bagong kaso ng sakit, nabatid na pinakamarami pa ring naitala sa National Capital Region (NCR) na nasa 2,845; sumunod ang Cavite na may 461 bagong kaso; Laguna na may 288; Rizal na may 167 at Bulacan na may 152 naman.

Mula sa kabuuang bilang, nasa 69,362 ang nananatili pa ring active cases, at 91.5% sa mga ito ang mild cases, 6.6% ang asymptomatic o walang sintomas ng sakit; 0.8% ang severe at 1.1% ang critical.

“Of the 4,933 reported cases today, 3,702(75%) occurred within the recent 14 days (August 9-22, 2020). The top regions with cases in the recent two weeks were NCR (2,316 or 58%), Region 4A (826 or 21%) and Region 3 (242 or 6%),” anang DOH.

Samantala, nakapagtala rin ang DOH ng 26 pang binawian ng buhay dahil sa sakit, kaya’t umabot na ngayon sa 2,966 ang COVID-19 death toll sa bansa.

Sa naturang 26 na namatay, 13 ang binawian ng buhay nitong Agosto; 10 noong Hulyo; isa noong Hunyo; isa noong Mayo at isa noong Abril.

Pinakamaraming naitalang binawian ng buhay sa NCR na nasa 17, sumunod ang Region 3  na may tatlo; dalawa sa CARAGA; at tig-iisa sa  Region 9, Region 6, Region 4A at Region 1. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.