ALBAY-MAHIGIT 11,000 waterbirds at migratory birds ang naispatan ng Asian Waterbird Census (AWC) sa ibat ibang bahagi ng Bicol kasabay ng panawagan ng Department of Environment and Natural Resources-Bicol (DENR-5) na huwag bugawin o gambalain ang mga dumarayong ibon upang mapangalagaan ang wildlife species and habitat na partikular na ginagawa ng mga dayong ibon.
Kabilang sa mga naispatan na waterbirds ay ang yellow bittern, white-browed crake, tufted duck, wandering whistling duck, cattle egret, great egret, intermediate egret, garganey, grey heron, Javan pond heron.
Nakita rin ang Philippine duck at Chinese Egret, at ang mga ibon na nanganganib nang mawala na Red-necked Stint, Eurasian Curlew at Far Eastern Curlew ay kabilang sa mga endangered species.
Ayon kay DENR Bicol Regional Executive Director Francisco Milla Jr., ang Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ay naglalayong protektahan ang wildlife kasabay ng panawagan sa publiko, hindi lamang sa mga taga- Bicol na suportahan ang pangangalaga sa mga ibon at i-conserve ang wildlife species at habitat para bumalik sila at dumami.
Layunin ng AWC na itaas ang public knowledge na may kaugnayan sa waterbird species at maglaan ng nararapat na gawain para dumami sila at bumalik para dumayo sa wetland sites ang mga waterbirds at migratory birds.
Dumadayo ang mga ibon sa Buga Lake sa bayan ng Libon, Albay province; Juban Wetlands Critical Habitat at Prieto Diaz Wetlands sa Sorsogon; Cabusao Wetland Critical Habitat sa Cabusao town, Camarines Sur; Mercedes Critical
Habitat sa Mercedes town, Camarines Norte; Panganiban Wetlands sa Panganiban town, Catanduanes; Bongsanglay Natural Park sa Ticao Island, Masbate province; at Naro and Chico Island Wildlife Sanctuaries sa Cawayan town, Masbate.
Ang AWC ay isang international census ng mga waterbirds sa Africa, Europe sa ilalim ng International Waterbird Census (IWC). VICK TANES