ALBAY – LIMA katao ang nasawi habang pitong iba pa ang nasugatan nang magkarambola ang 12 sasakyan sa Maharlika Highway sa Purok 2 Brgy. Busay, Daraga.
Bukod sa pagkamatay, matinding trapik pa ang naitala sa nasabing kalsada kahapon ng alas-10:45 ng umaga.
Ang sangkot na mga sasakyan ay isang SUV, tatlong truck, apat na motorsiklo, dalawang tricycle at dalawang jeepney.
Sinabi ng nakasaksi na si Jade Monreal, magkaparehong linya umano ang binabaybay ng dalawang dump truck at SUV patungo sa bayan ng Daraga nang biglang magpagewang-gewang ang dump truck at bumangga sa sinusundan nitong mahabang puting truck habang nasagi naman ang nasa unahang SUV, dalawang jeepney at apat na motorsiklo.
Sa tindi rin ng salpukan, pumasok ang unahang bahagi ng puting truck sa hardware na malapit sa kalsada habang bumaligtad ang dump truck kaya nagkalat ang kargang aggregates.
Nabatid naman kay SPO1 Junie Mabini, investigator on-case ng Daraga PNP, na bago ito mangyari, may isa pang kinasangkutang aksidente ang dump truck sa Purok 6 kung saan nawalan ito ng kontrol at bumangga sa dalawang tricycle at isang closed-tied truck hanggang nagtuloy-tuloy na patungo sa Purok 2.
Sinabi naman ni Supt. Benito Dipad, hepe ng Daraga Municipal Police, na tatlong katao ang dead on the spot.
Ayon kay Dipad, naipit ng dump truck ang mismong driver nito, isa ang tumilapon sa may bahagi ng gasoline station na lulan naman ng motorsiklo habang isa ang pumailalim sa tumatakbong jeepney.
Mabilis namang naglabas ng emergency traffic advisory ang 2nd Engineering District Office ng Department of Public Works and Highways sa mga alternate routes dahil sa aksidente. PILIPINO Mirror Reportorial Team