LABINDALAWANG bagong tulay kabilang ang ginagawang bagong Estrella-Pantaleon bridge ang itatayo upang mapagaan ang matinding trapik sa Metro Manila.
Sinabi ni Anna Mae Lamentillo, chairperson ng Build, Build, Build Committee ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ang mga kalsada sa Metro Manila ay dinadaanan ng 1.3 milyong sasakyan kada araw at ang mga bagong tulay na tumatawid sa Pasig River, Marikina River at Manggahan floodway ay makatutulong upang mapagaan ang trapik.
Napagpasyahan ng DPWH matapos ang isinagawang management study na magdadagdag sila ng 12 tulay.
Nakatakdang magsimula ang konstruksiyon ng Binondo-Intramuros link habang itatayo na rin ang 633-meter BGC-Ortigas Center link.
Sarado ang Estrella-Panteleon bridge dahil sinimulan na ang konstruksiyon nito kahapon, araw ng Lunes.
Ang nasabing tulay ang nag-uugnay sa Makati City at Mandaluyong City.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, isa ang Estrella-Pantaleon Bridge sa dalawang tulay mula sa aid grant ng China na isasakatuparan sa bisa ng bilateral cooperation sa pagitan ng Filipinas at China.
Target nilang matapos ang konstruksiyon ng tulay na may habang 504.46 meters sa taong 2020.
Comments are closed.