ISINUSULONG ni dating Chief Justice Artemio Panganiban ang pagsuspinde sa pangongolekta ng 12-percent value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang epekto ng pagtataas ng presyo ng krudo.
Ayon kay Panganiban, maaaring magpasa ang pamahalaan ng batas na magsususpinde sa pagpapataw ng 12-percent VAT kapag ang presyo ng Dubai crude ay lumagpas sa $63 kada bariles.
Batay sa report, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas ng P6.50 habang ang gasolina ay P6.70 mula Enero 1 hanggang Mayo 22, 2018.
Dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay lumawak ang panawagan para suspendihin ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, na nagpapataw ng excise tax na P2.50 kada litro sa diesel at itinaas ang buwis sa gasolina sa P7 mula sa P4.35 kada litro.
Sa ilalim ng TRAIN law, ang excise tax sa diesel at gasolina ay tataas ng P6 kada litro at P10 kada litro, ayon sa pagkakasunod, sa 2020.
Bilang tugon, sinabi naman ng Department of Finance (DOF) na kailangan ang isang bagong batas para suspendihin ang buong TRAIN law.
“We cannot just suspend it kasi po ‘yung ating mga funding, lalong na po ‘yung sa free state universities, lahat po ‘yan, ‘yung ating mga gustong pondohan, ‘yung mga increase sa salary ng ating mga personnel, ating mga guro, lahat po ‘yun, ‘yung plans natin to fund all those, mahihirapan na po tayo pondohan ‘yon,” pagbibigay-diin ni DOF spokesperson Paolo Alvarez.
Comments are closed.