PAMPANGA – UMABOT sa 1,300 pulis mula sa Police Regional Office 3 ang ipadadala sa Maynila upang matiyak ang ligtas at maayos na pagdiriwang ng Pista ng Nazareno na gaganapin sa darating na Enero 9.
Sinabi ni Regional Director BGen. Redrico Maranan, ang kanilang mga tauhan ay ipoposisyon sa Quirino Grandstand para sa tradisyunal na pahalik at sa iba’t ibang entry at exit points sa Metro Manila.
Layunin ng deployment na ito na tiyakin ang kaligtasan, seguridad at kapayapaan ng lahat ng mga debotong dadalo sa aktibidad.
Nabatid na suporta ito sa NCRPO para sa matatag na pagtutulungan ng mga pulis upang matiyak ang tagumpay ng aktibidad.
Bagaman walang nakikitang seryosong banta kaugnay sa kapistahan, iginiit ng PNP ang kanilang kahandaan.
“Ang mandato ng PNP ay hindi lamang para tiyakin ang kapayapaan ngunit pati na rin ang tiwala ng publiko sa kakayahan ng ating mga alagad ng batas,” ani Maranan.
THONY ARCENAL