1,388 SAKO NG BASURA, NAKOLEKTA NG PRRC SA CLEAN-UP OPERATIONS

PRRC

TULOY-TULOY ang clean-up operations ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) na nakakolekta ng 1,388 sako ng solidong basura nitong Mayo at unang linggo ng Hunyo.

Ayon kay PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia, sa clean-up operations ng river warriors at river patrols sa 15 estero at sapa nitong Mayo ay pinakamarami ang nakuha sa Estero de Paco sa lungsod ng Maynila na 519 sako ng solidong basura ang nakolekta.

Nitong Mayo rin, naka­kolek­ta ng 300 sako ng basura sa ilalim ng Sevilla Bridge sa San Juan River bagama’t bumaba ito sa 50 sako na lamang nitong unang linggo ng Hunyo at mas mataas ang 54 sako ng basurang nakolek­ta ng PRRC sa Estero de San Miguel sa Maynila.

“Nakalulungkot na kahit may kampanya kami laban sa mga ‘esterorista’ ay patuloy ang pagtatapon ng basura ng mga ires­ponsableng mamamayan natin sa tributaryo ng Pasig River, lalo sa mga sapa at estero,” diin ni Goitia. “Maawa naman tayo sa kalikasan, tuloy-tuloy ang clean-up operations namin dahil tag-ulan na naman. Iniaahon namin ang sako-sakong basura lalo ang mga plastik na magiging sanhi ng pagbaha sa maraming bahagi ng Kamaynilaan.”

Pinuna rin ni Goitia ang ulat ng United Nations Environment Program (UNEP) na kalahati ng plastic waste sa karagatan ay nagmumula sa China, Indonesia, Filipinas, Thailand at Vietnam.

“Iwasan na po natin ang paggamit ng plastik upang hindi tayo makapinsala sa ating mga karagatan,” ani Goitia. “Mara­ming lamang dagat tulad ng mga balyena at lumbalumba ang namamatay kada taon dahil sa nakakain nilang plastic waste na hindi natutunaw sa kanilang mga tiyan. Hahayaan ba na­ting mas dumami ang duming plastik sa dagat kaysa kinakain nating mga isda? Kaya sana, magising na tayo, iwasan na nating magtapon ng kahit anong basura, lalo ang plastik, sa ating mga katubigan.”

Comments are closed.