14 KATAO SUGATAN SA KARAMBOLA NG 14 SASAKYAN

DUMP TRUCK-2.jpg

KORONADAL CITY – LABING-APAT katao ang sugatan nang magsalpukan ang 14 sasakyan sa Alunan Avenue sa Barangay Zone 3.

Batay sa pahayag ni Cedrec Gabilagon ng Koronadal-PNP traffic section, kabilang sa nagkarambolang sasakyan ang tatlong pick-up truck, tatlong multicab, dalawang SUV, isang dumptruck, tatlong tricycle at dalawang motorsiklo.

Batay sa kuha ng closed-circuit television camera, unang sinalpok ng dumptruck na may kargang buhangin ang container van.

Dahil sa malakas ang naging impact ng pagkakabangga, nagpaikot-ikot ang container van at binangga ang iba pang mga sasakyan sa lugar.

Nawalan ng preno ang truck kaya nawalan na rin ng kontrol ang driver nito.

Mabilis namang rumesponde ang rescue team ng South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at ang Koronadal City-PNP, para dalhin sa ospital sina Rogelio Villanueva, 60; Erwin Angkay, 34; Fermil Sencini, 64; Nelvie Rosary Cahis, 42; Gemark Ferolino, 35; Jerick Panlikan, 16; Dennis Dela Poz, 37; Nenita Saldivar; Primotivo Saldivar; Cecilia Golinggay, 62; Ernesto Golinggay, 62-anyos; Topez Jazz Encabo; Khen Rose Inventado; at Rolando Buenafe.

Nakalabas na sa ospital ang ilan sa mga sugatan, habang nasa kustodiya na rin ng PNP ang driver ng dumptruck na si Raymon Antalan Mongcal na taga-Matina sa Davao City. AIMEE ANOC

 

Comments are closed.