UMAABOT na sa 14 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok sa bansa ngayong taon, kabilang ang isang batang tinamaan ng ligaw na bala.
Batay sa Fireworks-related injuries (FWRI) report #8 na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na mula 6:00 AM ng Disyembre 21 hanggang 5:59 ng madaling araw ng Disyembre 29 ay nakapagtala pa sila ng isang kaso ng FWRI.
“There was one additional case of FWRI reported by the sentinel hospitals. This brings the total to 14 cases as of 5:59 AM of December 29, 2020,” anang DOH.
Ayon sa DOH, ang naturang bilang ay mas mababa ng 35 kaso o 71% kumpara noong nakaraang taon.
Nabatid na 13 o 93% sa mga biktima ay nasugatan dahil sa paputok habang isa naman o 7% ang nagtamo ng stray bullet injury o nasugatan dahil sa ligaw na bala.
Ayon sa DOH, ang biktima ng stray bullet ay isang pitong taong gulang na lalaki mula sa Claveria, Masbate.
Tinamaan ito ng ligaw na bala dakong 4:00 ng hapon noong Disyembre 24. Naglalaro lamang ang paslit sa kanilang kusina nang bigla na lang magpaputok ng baril ang kanilang bisita para salubungin ang Pasko, kaya’t tinamaan ang biktima sa kanyang tiyan at kanang hita.
Samantala, ang mga nasugatan ay mula sa Region V (3 cases); National Capital Region (3); Region VI (2); Region III (1); CALABARZON (1); Region VII (1); Region XI (1); at Region XII (1).
Ang walo (62%) umano sa nasugatan ay nagtamo ng Blast/burn injury without amputation habang lima (38%) naman ang nagtamo ng sugat sa mata o eye injury.
Kabilang sa mga paputok na nakasugat sa mga biktima ay 5-Star (4 kaso); Boga (2); Baby Rocket (1); Bong-bong (1); Fountain (1); Kwitis (1); Piccolo (1); Rebentador (1); Whistle Bomb (1). ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.