BINITBIT sa kulungan ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang 14 na katao na hinihinalang sangkot sa pagtutulak at paggamit ng ilegal na droga sa magkakasunod na operasyong isinagawa sa loob ng mahigit na 24 oras sa Pandacan, Manila.
Ayon sa MPD-Police Station 10, kabilang sa mga naaresto ay sina Jhonel Dorero, 21; Ryan John Hizon, 24; John Mark Tenedero, 19; Rosell Bernarte, 40; Reynaldo Quijano, 44; Orestes Mecua, 43; Charo Laguipo, 40; Jedryck Yu, 32; Rolando Ramos Jr., 33; Laurenz Jhay Buetre, 18; Airah Agampung, 24; Rohaida Dibaratun, 30; Salma Birua, 18, at isang 16-anyos na dalagita.
Batay sa inisyal na ulat ng MPD, nadakip ang mga suspek sa magkakasunod na buy bust operation sa Beata Street, Mangahan Street, Felix Street at Pedro Street sa Pandacan, mula alas -7 ng gabi ng Hunyo 11 hanggang alas-8 ng gabi ng Hunyo 12.
Nakatanggap umano ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng impormasyon kaugnay sa ilegal na aktibidad ng mga suspek na sina Quijano, Mecua, at Laguipo sa Mangahan Street kaya nagsagawa ng operasyon ang mga pulis at naaresto ang mga suspek habang nasa aktong nagpa-pot session, na nagresulta rin sa pagkadakip sa walong iba pa nilang kasamahan.
Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga pulis mula sa mga nakuhang impormasyon sa mga naunang naaresto na nagresulta naman ng pagkaka aresto kina Agampung, Ronaida Dibaratun at Birua at pagkarekober ng 60 gramo ng shabu na nagka-kahalaga ng P400,000.
Nakuha rin ng mga pulis mula sa mga suspek ang P1,500 na buy-bust money, at mga drug paraphernalia.
Sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga naarestong suspek. PAUL ROLDAN
Comments are closed.