144 PH ATHLETES SASABAK SA 11TH ASEAN PARA GAMES

SABIK at gigil nang sumalang sa aksiyon ang 144 Pinoy athletes na kakatawan sa bansa sa 11th ASEAN Para Games na gaganapin sa July 30-Aug. 6 sa Surakarta, Indonesia.

Ayon kay Philippine Paralympic Committee president Mike Barredo, ang listahan ng national squad na biyaheng Indonesia ay isinapinal noong nakaraang weekend.

“This is a hungry team, a fighting team that is eager to showcase their skills and talent after being deprived of international competition for over two years due to the COVID-19 pandemic,” sabi ni Barredo.

“I would not be surprised at all if many of our national para athletes will strive harder than ever before in making the most of this opportunity to bring honors to our country in the 11th Asean Para Games,” pagbibigay-diin niya.

Nagpasalamat ang PPC chief sa Philippine Sports Commission sa pagsuporta sa national para athletes para puspusang makapagsanay ang mga ito sa isang bubble sa loob ng mahigit isang buwan sa Philsports Complex sa Pasig City upang makapaghanda para sa regional meet.

“We would like to thank the PSC’s support for our national para athletes in their bubble training at the Philsports Complex for over a month without any distractions,” ani Barredo.

“This training has armed them well for the action ahead in Indonesia,” dagdag ni Barredo, na kumpiyansang mahihigitan ng PH campaigners ang kanilang 20 gold, 20 silver at 29 bronze medals, sapat para sa fifth overall, sa 2017 edition na idinaos sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ang track and field team ang may pinakamaraming entries na may 24, sa pangunguna nina Tokyo Paralympic Games veterans, thrower Jeanette Aceveda, at wheelchair racer Jerrold Mangliwan, na napiling skipper ng PH athletic contingent.

Susunod ang 22-man chess team, sa pangunguna ni 2017 Malaysia Asean Para Games triple gold medalist at FIDE Master Sander Severino, habang ang 12-man swimming team ay pinangungunahan ni Ernie Gawilan, na nagwagi ng 7 golds sa regional showcase para sa para athletes.

Ang archery ay may siyam na miyembro; badminton, 8; boccia, 4; goalball, 6; judo, 5; powerlifting, 8; sitting volleyball, 10; table tennis, 13, habang ang men’s at women’s wheelchair basketball ay may 12 at 11 miyembro, ayon sa pagkakasunod.

Pinondohan ng PSC, pamumunuan ni Barredo ang 212-man delegation na nakatakdang umalis sa isang chartered flight para sa Java provincial capital of Surakarta sa Hulyo 26.

CLYDE MARIANO