1,470 OFWs PAUUWIIN, PINAPASUKANG KOMPANYA ISINARA

SAUDI ARABIA – AABOT sa 1,470 overseas Filipino workers (OFWs) ang pauuwiin mula sa Al Khobar makaraang magsara ang kanilang pinapasukang construction company, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa ulat ng DOLE, unang natanggap ang impormasyon ng Overseas Workers Welfare Admi­nistration (OWWA) na  ang Azmeel Contracting Corporation ay inalis ang kanilang mga manggagawa habang pinipigil din ng Saudi government ang kanilang asset.

Nabigo rin ang kompanya na pasuwelduhin sa loob ng apat na buwan ang kanilang mga tauhan kaya naman nagkilos-protesta ang mga ito.

Nagtungo na roon si Labor Secretary Silvestre Bello III, OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, gayundin ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Health (DOH) para tulungan ang mga OFW.

Sinabi ni Bello na umabot na sa $50,000 financial assistance ang naibigay sa mga apektadong manggagawa.

Sinabi pa ng kalihim na kaniyang tatalakayin ang pangyayari sa Ministry of Labor of the Kingdom of Saudi Arabia hinggil sa pagpapauwi sa mga OFW at pagbayad sa kanilang back wages.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.