15-FOOT PYTHON HULI SA KISAME NG BAHAY SA BATANGAS CITY

UMAABOT  sa 15 talampakan ang haba at 35 kilo ang bigat ng nahuling sawa mula sa kisame ng isang bahay na under renovation sa Batangas City.

Ayon sa Enro Batangas City, nakatanggap sila ng tawag mula sa mga construction worker na gumagawa sa isang matagal nang abandadong bahay sa Brgy. 10 upang humingi ng tulong para mahuli ang isang napakalaking sawa bandang alas -10 ng umaga.

Batay sa kuwento ng workers, nagtataka sila kung bakit unti unting nahuhulog ang mga kahoy ng kisame ng bahay at mayroon tila gumagalaw sa loob ng kisame. Laking gulat na lamang nila na makita ang isang malaking sawa.

Nahirapan namang maibaba ang sawa mula sa kisame dahil sa bigat at sa haba nito.
Nadiskubre rin mula sa kisame ang mga buto ng pusa na maaring nagiging pagkain ng sawa kung kaya lumaki na ito sa itaas ng kisame.

Ayon naman sa ENRO Batangas malaking banta ito sa seguridad ng mga nandoon sa lugar dahil puwede itong makalunok at makalingkis ng tao.
Sinurender ang ahas sa DENR Lipa at dadalhin rin sa DENR Laguna. RON LOZANO