MULING magsasagawa ng operation greyhound o pagsisiyasat sa mga selda ang mga jail officer kasunod ng pagkakarekober ng ilang pakete ng shabu sa loob mismo ng South Cotabato Provincial Detention and Rehabilitation Facility.
Sa pahayag ni South Cotabato Jail Warden Felicito Gumapac, isinagawa ang operasyon sa selda 16 ng kulungan at narekober ang 15 pakete ng shabu na isinilid pa ng mga inmate sa loob ng tubo.
Pahirapan aniya ang pagrekober sa mga ilegal na droga dahil naging mautak ang mga inmate sa pagpapalusot ng kontrabando sa loob ng kulungan.
Umabot naman sa 118 inmates sa loob ng selda 16 ang isinasailalim ngayon sa imbestigasyon.
Matatandaan na sa mga nakalipas na araw ay nasa mahigit 40 inmates ang nagpositibo sa ilegal na droga sa selda 9 matapos ang isinagawang surprise at random drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency 12. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM