KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa sila ng panibagong 16 na bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa hanggang kahapon ng hapon.
Sanhi nito, umabot na sa 49 ang bilang ng COVID-19 patients na naka-confine sa iba’t ibang pagamutan sa bansa.
Sa isang pulong balitaan na idinaos dakong 5:30 ng hapon nitong Miyerkoles, sinabi naman ni Health Assistant Secretary Ma. Rosette Vergeire, na wala pa naman silang hawak na detalye sa mga bagong kaso ng sakit.
Gayunman, tiniyak niya na kaagad nilang isasapubliko ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mga pasyente, sa sandaling maipaabot na sa ka-nilang tanggapan.
Kaugnay naman sa kaso ng mga Patients #25 hanggang #28, at Patients #30 hanggang #33, sinabi ni Vergeire na nasa maayos namang kondisyon ang mga ito, habang ang Patient #29, na nahawa kay Patient #9 na kanyang asawa, ay incubated dahil sa underlying cardiovascular at endocrine conditions nito.
Tiniyak din ni Vergeire na pinaigting pa nila ang kanilang contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng mga COVID-19 patients upang matukoy kung sino sa kanila ang nahawahan ng sakit.
Patuloy rin nilang mino-monitor ang estado ng lahat ng pasyente upang matiyak na walang komplikasyong lilitaw sa panahon ng kanilang recovery mula sa sakit.
Comments are closed.