CAMP CRAME – AABOT sa 163,000 na pulis ang magbibigay ng seguridad sa Barangay and Sangguniang Kabataang Elections (BSKE) sa buong bansa.
Ayon kay Chief Supt. Ma O R. Aplasca, Director for Operation, layunin ng malaking volume na pulis na ide-deploy na matiyak na magiging mapayapa ang halalan sa Lunes, Mayo 14.
Samantala, kabuuang 20,000 pulis ang ipakakalat ng PNP-National Capital Region Police Office sa buong Metro Manila.
Sinabi ni PNP-NCRPO Chief Camilo Cascolan, 16,000 pulis ang ilalagay nila sa mga polling precincts habang ang 4,000 ay magiging stand-bye force bilang emergency response team.
Sinabi ni Cascolan na posibleng itaas nila ang alert level ng PNP bago ang araw ng eleksyon.
“Dahil nga po lahat dapat ng ating Kapulisan ay alerto at dapat nakabantay sa lahat ng mga lugar, hindi po dahil may mga hotspots tayo, wala po tayong hotspots, meron lang tayong mga special areas of concern pero iilan lang ‘yan, mga dalawa o tatlo lang,” pahayag ni Cascolan.
Samantala, naglunsad ng drug test challenge ang PNP-NCRPO para sa mga barangay official.
Ayon kay Cascolan, sa Quezon City pa lamang ay umabot na sa 400 ang sumabak sa drug test challenge.
Aniya, bahagi pa rin ito ng paglilinis sa mga barangay mula sa mga opisyal na sangkot sa illegal drugs.
Abot aniya sa 12 barangay officials ng Metro Manila ang nasama sa narco-list ng PDEA. EUNICE C.
Comments are closed.