NAKAPAGTALA muli ang Department of Health (DOH) ng 17 bagong patients under investigation (PUIs) kaugnay nang patuloy na isinasagawa nilang pagtunton sa mga taong posibleng dinapuan o infected ng 2019 coronavirus disease (COVID-19).
Sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH dakong 10:00 ng umaga, nitong Huwebes, Pebrero 20, nabatid na mula sa dating 539 na cumulative total ng mga PUI na naitala nitong Pebrero 19, Miyerkoles, ay umakyat na sa 556 ang kabuuang bilang ng mga PUIs na naitala sa bansa.
Samantala, iniulat din naman ng DOH na patuloy sa pagbaba ang bilang ng mga PUIs na naka-admit pa sa mga pagamutan sa bansa.
Sa pinakahuling tala, nabatid na nasa 133 na lamang, mula sa dating 135 ang mga PUIs na nananatili pang nilalapatan ng lunas sa mga pagamutan, o nabawasan ng dalawang PUIs.
Pinakarami pa rin namang PUIs na naka-admit sa mga medical facilities sa Metro Manila, na nasa 106 PUIs pa, habang ang natitira pang 27 PUIs ay nilulunasan sa iba’t iba pang rehiyon sa bansa.
Umaabot naman na sa kabuuang 420 PUIs ang pinayagan nang makauwi sa kanilang mga tahanan, ngunit isinasailalim pa rin sa istriktong monitoring.
Samantala, nananatili pa rin naman sa tatlo ang kumpirmadong COVID-19 cases sa bansa, na pawang Chinese nationals na mula sa Wuhan City, Hubei, China.
Dalawa sa kanila ang nakarekober at nakauwi na ng kanilang bansa habang ang isa ay binawian ng buhay habang ginagamot sa San Lazaro Hospital sa Maynila.
Tiniyak naman ng DOH na wala pa ring naiuulat na lokal na transmission ng virus sa bansa ngunit sinigurong may mga pamamaraan na silang nakalatag sakaling maharap na sa naturang problema. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.