17 TULAK, 5 WANTED AT 91 VIOLATORS NALAMBAT

CAVITE- UMAABOT sa 17 drug pushers, 5 wanted person at 91 quarantine violators ang nalambat ng Cavite Police sa isinagawang sunud-sunod na anti-criminality ope­rations sa iba’t- ibang bayan at lungsod sa lalawigang ito.

Sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, naglatag ng 11 buy-bust operations ang mga awtoridad na nagresulta ng pagdakip ng 17 drug traders sa General Trias City, Dasmariñas City, Bacoor City, Tanza, Naic, Alfonso at bayan ng Carmona.

Nasamsam ng mga operatiba ang 82 plastic sachets na shabu, 2 transparent plastic sachets na pinatuyong dahon ng marijuana, drug money at mga drug paraphernalia.

Naaresto naman ang 5 wanted persons na may warrant of arrest sa kasong qualified theft at kasong paglabag sa RA 9262 (Anti- Violence Against Women and Children) sa Imus City habang 2 kasong attempted homicide naman sa bayan ng Ge­neral Mariano Alvarez at Trece Martires City at kasong Estafa ang isa sa limang wanted sa General Trias City.

Gayundin, umabot naman sa 91 ‘pasaway’ na violators ng community quarantine ang nalambat sa isinagawang magdamagang police operation sa ibat ibang bayan at lungsod laban sa kawalan ng face masks, face shield at paglabag sa curfew hours.

Isinailalim na sa drug test ang 17 pushers at pina-chemical analysis sa Provincial Crime Laboratory ang nasamsam na Shabu at marijuana habang ang iba pang suspek sa krimen ay binasahan ng Constitutional Rights sa ilalim ng Miranda Rule at RA 9745 (Anti-Torture Act of 2009) bago kasuhan sa Office of the Provincial Prosecutor.

Samantala, hinikayat naman ni Police Colonel Marlon Santos ang publiko na panatilihin ang minimum health protocols dahil ang Cavite Police ay patuloy na ipatutupad ang quarantine rules tulad ng pagpapatrolya laban sa paglabag sa curfew hours at iba pang ordinansa partikular na ang mass gathering inilalagay sa social media. MHAR BASCO

Comments are closed.