REGULAR ang pakikipag-ugnayan ng Food and Drug Administration (FDA) sa Department of Science and Technology (DOST) para sa technical review ng mga mag-a-apply ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine clinical trial sa bansa.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, mayroong 17 candidate vaccines kontra COVID-19 ang nasa clinical trial stage na sa iba’t ibang bansa samantalang mahigit 100 pa ang nasa pre-clinical stage.
Habang nasa trial stage ang mga nasabing bakuna ay nauna nang sumali ang Filipinas sa hiwalay na clinical trial ng World Health Organization (WHO) kung saan apat na uri ng off labeled drug ang sinusubukan bilang gamot sa mga pasyenteng may COVID-19.
Kabilang sa mga gamot na ito ang hydroxychloroquine, remdesevir, lopinavir with ritonavir at lopinavir with ritonavir plus interferon betala.
Sa mga naturang gamot ang anti-ebola drug na remdesivir ang nakitaan ng positibong epekto sa mga ginamitang pasyente.
Binigyang diin ni Domingo na hangga’t wala pang lunas sa COVID-19 ay dapat manatiling balanse sa kaligtasan ng mga pasyente ang ginagawang clinical trials sa mga gamut. DWIZ882