NAGSAGAWA ng dalawang linggong urine testing activity sa ilang lalawigan sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ang Department of Health mula Hunyo 13-25.
Sakop ng pagsusuri ng mga ihi ang mga mag-aaral bilang bahagi ng adbokasiya ng DOH Calabarzon upang maiwasang magkaroon ng lifestyle-related diseases ang grade school students kaugnay sa Kidney Month celebration ngayong taon.
May kabuuang 500 mag-aaral sa elementarya ang nasuri mula sa mga piling eskuwelahan sa rehiyon, kabilang dito ang National Training School sa Tanay, Rizal; Carmona National High School sa Carmona, Cavite; Parang Elementary School sa Pagbilao, Quezon; Sta. Cruz Central Elementary School sa Sta., Cruz, Laguna; at San Agustin Elementary School sa Ibaan, Batangas.
Ayon kay Regional Non-Communicable Disease Control Cluster Head Dr. Marilou R. Espiritu, ang urine test ay mahalaga upang masuri at matingnan kung may mga sakit sa kidney, UTI, o may diabetes, high blood, o sakit sa atay ang isang tao.
“Ginawa itong activity upang maging aware ang mga bata sa mga sakit sa bato,” dagdag ni Dr. Espiritu.
“We need to conduct screening at an early age in order to provide treatment and prevent the onset of any chronic renal failure among our children,” ayon pa rito.
Sa pagsusuri ay kabuuang 177 school children ang nakitang mayroong UTI at nabigyan ng antibiotics.
Kadalasang sanhi ng UTI ay hindi pag-inom ng sapat na tubig, mas maraming softdrinks na naiinom at maaalat na pagkain.
Nasa ikapitong nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa ang sakit sa bato, ayon sa DOH. Sa bawat oras, isang Filipino ang nagkakaroon ng renal failure o pagkasira ng bato, o tinatayang 120 Filpinos sa bawat isang milyon sa kada taon.
Comments are closed.