NAKAUWI na kahapon ang ikalawang batch ng Filipino repatriates mula sa Israel.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), 18 overseas Filipino workers na kinabibilangan ng 14 caregivers at 4 hotel workers, ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 alas-3:55 ng hapon kasunod ng umiigting na kaguluhan sa pagitan ng Israel at ng militanteng grupong Hamas.
Ang mga repatriate ay sinalubong nina DMW Undersecretary Maria Anthonette Velasco Allones at Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De Vega.
Ang unang batch ng Filipino repatriates mula sa Israel, kabilang ang isang one-month-old infant, ay dumating sa bansa noong Oct. 18.
Ayon sa DMW, pagkakalooban ng pamahalaan ang mga repatriate ng tulong pinansiyal, gayundin ng iba pang suporta, tulad ng psycho-social counseling, stress debriefing, medical referral, at reintegration services.
Sa kasalukuyan ay apat na Pinoy na ang nasawi sa madugong bakbakan sa Israel.