INALIS at pinalitan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang aabot sa 180,000 pamilya na nasa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa budget briefing sa Kamara, sinabi ni DSWD Dir. Gemma Gabuya na sa ebalwasyon na isinagawa sa listahan ay natuklasan na marami sa pamilyang kabilang dito ang hindi na pasok sa requirements ng 4Ps kaya sila binaklas at pinalitan.
Sa kasalukuyan, aabot sa 4.3 milyon ang benepisyaryo ng 4Ps ng DSWD at target na maitaas ito ng hanggang 4.4 milyon bago matapos ang taong 2020.
Samantala, sinabi ng mga lider sa Senado na pag-aaralan nila kung dapat isama ang dagdag na pondo para sa cash dole outs sa panukalang 2021 national budget makaraang sabihin ng DSWD na maaaring lumobo sa 20 milyon ang mahihirap na Filipino households sa susunod na taon.
“We will be looking at these programs as we hear the departments of DSWD, National Anti-Poverty Commission, Department of Labor and Employment, and other agencies that can help alleviate poverty in the country,” wika ni Senate committee on finance chairperson Sonny Angara.
Sinabi rin ni Senate President Vicente Sotto III na pag-aaralan at rerebyuhin muna ito ng Senado.
Sa budget hearing sa Kamara noong Miyerkoles, sinabi ng DSWD na target nitong mairehistro ang may 16 million na mahihirap na pamilya sa National Household Targeting System for Poverty Reduction nito ngunit maaari itong tumaas ng hanggang 20 million dahil sa economic impact ng COVID-19 pandemic.
Batay sa National Expenditure Program para sa susunod na fiscal year, nasa P113.8 billion panukalang P169 billion budget ng DSWD ay ilalaan sa 4Ps.
Comments are closed.