UMAABOT na ngayon sa 185,543 ang kabuuang bilang ng mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na gumaling na sa bansa.
Ito’y matapos na makapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng panibagong 376 recoveries hanggang 4:00 PM ng Setyembre 9, batay na rin sa case bulletin no. 179 na inilabas ng DOH.
Maging ang kabuuang bilang naman ng COVID-19 cases sa Filipinas ay nadagdagan ng 3,176 kaya’t umabot na ngayon sa 245,143.
“As of 4PM today, September 9, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 245,143,” anang DOH. “DOH likewise announces 376 recoveries. This brings the total number of recoveries to 185,543.”
“A total of 3,176 confirmed cases are reported based on the total tests done by 105 out of 117 current operational labs,” anang DOH.
Inaasahan naman ng DOH na madaragdagan pa ang naturang mga bilang dahil may 12 pa umanong laboratoryo ang hindi nakapagsusumite ng datos sa kanilang COVID-19 Data Repository System (CDRS).
Sinabi naman ng DOH na sa mga bagong naitalang kaso ng sakit, 55,614 pa ang active cases, at 88.3% sa mga ito ang mild cases, 8.6% ang asymptomatic; 1.3% ang severe at 1.8% naman ang kritikal.
Pinakamarami pa ring naitalang bagong kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR), na nasa 1,327; Batangas na nasa 260; Laguna na may 193; Rizal na may 176 at Negros Occidental, na may 155.
Samantala, may 70 namang pasyente ang iniulat ng DOH na pumanaw dahil sa COVID-19.
Sa naturang bilang, 49 ang binawian ng buhay nitong Setyembre; 10 noong Agosto; pito noong Hulyo; tatlo noong Hunyo; at isa noong Abril.
Pinakamaraming naitalang namatay sa NCR na nasa 36; Region 4A na nasa walo; Region 3 na nasa anim; Region 12 na nasa apat; tig-3 sa Regions 6 at 9; tig-dalawa sa Regions 2, 5, 7 at BARMM at tig-isa naman sa Region 11 at 4B.
Mayroong 20 duplicates na inalis ang DOH mula sa total case count, kabilang dito ang siyam na recovered cases.
Mayroon namang dalawang kaso na unang iniulat na nakarekober ngunit nang beripikahin ay namatay na pala. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.