19 OFWs NA ‘NAG-HALLOWEEN PARTY’ ARESTADO

SAUDI ARABIA – PINALAYA na ang 19  overseas Filipino workers (OFWs) na ­unang inakalang nagsagawa ng Halloween party sa Riyadh subalit posibleng makuwestiyon sa kasong moonlighting o nagtatrabaho bilang “part timers,”  ayon sa isang Philippine official.

Sinabi ni Consul General Christopher ­Patrick Aro, iginiit ng mga OFW na hindi sila nagtatrabaho bilang organizer o participants sa party kundi mga partimer sila sa pinagdausan ng kasayahan.

Dagdag pa ni Aro, hindi naman nakasuot ng Halloween costume ang mga OFW kundi naka-uniporme bilang cleaners.

“Ang trabaho lang talaga nila ay maglinis lang sa venue ng event. Nakasuot sila ng pu­ting polo, black na pan-talon at black na chaleco. ‘Yun lang ang suot nila, hindi sila naka-costume,” ayon kay Aro.

Bagaman pinalaya na ang 19 OFWs, inutusan sila ng Saudi authorities na huwag lisanin ang kanilang bansa dahil posibleng ipatawag sila para sa isang pagdinig sa nasabing kaso.

Pinayagan naman ang 19 na bumalik sa kanilang regular jobs habang wala pang kaso na naisasampa laban sa kanila dahil iniimbestigahan pa ang pangyayari. EUNICE C.

Comments are closed.