195 PATAY SA DENGUE

DENGUE

INIULAT ng Department of Health (DOH) na umabot na sa halos 38,000 indibiduwal ang tinamaan ng dengue sa bansa at 195 sa kanila ang kumpirmadong nasawi, sa unang limang buwan lamang ng taong 2018.

Sa ginawang paggunita kahapon sa ikawalong taon ng ASEAN Dengue Day, na may temang,“Kung Walang Lamok, Walang Dengue: Mag 4S Kontra Dengue”, at idinaos sa Puerto Princesa, Palawan, sinabi ng DOH na mula Enero 1 hanggang Mayo 26 ngayong taon ay umabot na sa 37,959 ang naitala nilang dengue cases sa bansa at sa nasabing bilang ay 195 na ang kumpirmadong nasawi.

Mas mababa naman umano ang naturang bilang ng dengue cases ng 7% kumpara sa 40,993 kaso ng sakit na naitala nila sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Pinakaapektado ng sakit ang age group na 10-14 years old, at karamihan sa mga nabiktima o 52% sa kanila ay mga lalaki.

Pinakamarami pa ring nabiktima ng sakit sa National Capital Region (6,493 cases); CALABARZON (6,296); Central Luzon (5,997); Northern Mindanao (2,540); Western Visayas (2,314) at Central Visayas (2,241).

Kaugnay nito, hinikayat muli ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko na maging vigilante sa pagsugpo ng dengue sa pamamagitan nang pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran.

“Our goal to prevent dengue starts within ourselves by maintaining cleanliness in our surroundings by emptying containers of stagnant waters to eliminate breeding places of Aedes Aegypti mosquitoes,” ani Duque.

Giit pa niya, ang 4S Kontra Dengue, o ang “Search and destroy mosquito breeding places, Secure self-protection, Seek early consultation at Support fogging/ spraying only in hotspot areas,” na ipinatutupad nila ay isang epektibong estratehiya o pamamaraan para makaiwas sa sakit.

“Dengue is everyone’s concern. I call on all Filipinos to make 4S a part of our daily routine in order to achieve the highest level of prevention and control against dengue,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ

 

Comments are closed.