1,965 TAUHAN NG COAST GUARD IDINEPLOY SA MGA PANTALAN

UMABOT 1,965 tauhan ang dineploy ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa pagdagsa ng mga tao sa ibat ibang pantalan upang matiyak ang kanilang seguridad sa panahon ng Semana Santa.

Sa ulat na ibinahagi ni PCG Commandant, Admiral Artemio Abu, para matiyak ang kaligtasan ng mga bumibiyaheng pasahero at mga sasakyang pandagat ay nag-deploy ang PCG ng 1,965 personnel sa 15 PCG Districts para magsagawa ng inspeksyon sa 156 vessels at 193 motorbancas para masigurong walang overloading na magaganap.

Ito ay kasunod ng ulat na nasa 13,640 outbound passengers mula sa iba’t ibang pantalan sa bansa ang na-monitor ng PCG ngayong Holy Week.

Bukod dito, may 10,421 inbound passengers din ang tinututukan ng coast guard.

Nauna nang inilagay sa heightened alert ang districts, stations, at substations ng PCG mula Abril 8 hanggang 18 para ma-manage ang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Holy Week.

Samantala, halos 2,000 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa bansa nitong Lunes ng umaga dahil sa Tropical Storm Agaton.

Ayon kay Abu na 1,813 pasahero ang stranded sa Bicol, Eastern Visayas at northeastern Mindanao.

Aniya, mahigpit na binabantayan ng PCG ang mga pantalan sa Liloan, San Ricardo, Ormoc, Isabel, Bato, Sta. Clara, Dapdap, Daram, at Naval sa Eastern Visayas; Siargao, Lipata, Naisipit, at Placer sa northeastern Mindanao; at Matnog sa Bicol.

Hanggang kahapon ng alas-4:00 ng madaling araw, sinabi ng PCG na kabuuang 2,973 pasahero, drivers, at cargo hel­pers; 1,387 rolling cargoes; 29 vessels; at isang motorbanca ang stranded. VERLIN RUIZ