198 MRT PERSONNEL POSITIVE SA COVID-19

positive

KINUMPIRMA ng Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT-3) na umabot na sa 198 ang bilang ng mga personnel nila na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) hanggang nitong Hulyo 6 ng gabi.

Sa isang pahayag, sinabi ng MRT-3 na sa naturang bilang ay 177 ang depot personnel, tatlo ang train drivers at dalawa ang Control Center personnel.

Positibo rin ang 16 na station personnel, na pawang ticket sellers o nagbebenta ng tiket sa mga pasahero sa mga ista­syon ng North Avenue, GMA-Kamuning, at Cubao at isang nasa reserved status at isang nurse.

Ayon sa MRT-3, kaagad nilang tinukoy ang mga istasyon at working shifts ng mga naturang ticket sellers na nagpositibo sa virus upang matulungan ang riding public na matukoy kung nagkaroon ba sila ng direct contact sa mga ito.

Ang working shifts ng  ticket sellers mula sa North Avenue ay 1:00 PM hanggang 11:00 PM at 4:30 PM hanggang 2:30 PM habang ang ticket sellers naman mula sa Quezon Avenue ay idineploy mula 1:00 PM hanggang 11:00 PM.

Samantala, ang station personnel naman mula sa GMA-Kamu­ning Station ay may working schedule na 4:30 AM hanggang 2:30 PM at ang ticket sellers na infected mula sa Cubao Station ay nai-deploy ng 1:00 PM hanggang 11:00 PM at 4:30 AM hanggang 2:30 PM.

Pinayuhan nila ang mga pasahero na nagkaroon ng direct contact sa mga infected personnel nila na masusing obserbahan ang kanilang kondisyon at sumailalim sa home quarantine upang maiwasan ang higit pang pagkalat ng virus.

Samantala, muli namang tiniyak ng MRT-3 na ginagawa nila ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga empleyado at mga pasahero.

Nitong Lunes ng gabi ay una nang inianunsiyo ng MRT-3 ang desisyong suspendihin ng limang araw ang kanilang operasyon simula kahapon hanggang Hulyo 11, Sabado, matapos na makapagtala ng 186 personnel na positibo sa COVID-19.

Habang naka-temporary shutdown, isasailalim naman ng MRT-3 ang kanilang mga personnel sa COVID-19 testing at idi-disinfect ang kanilang mga pasilidad laban sa virus.

Paglilinaw naman ng MRT-3, maaaring humaba pa o umigsi ang araw ng temporary shutdown o kung  kailan sila magkaroon ng sapat na emple­yado na negatibo sa virus, para maipagpatuloy ang kanilang operasyon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.