19K TEACHERS SINANAY NG USAID

INIHAYAG ng United States Embassy na nakumpleto na ng USAID ang kanilang 5-year P1.9-billion Basa Pilipinas project, na naglalayong maturuang magbasa nang maayos ang may 1.8 milyong estudyante mula kindergarten hanggang  Grade 3.

Sinanay rin sa ilalim ng proyekto ang may 19,000 teachers at school heads, kasabay ng pagkakaloob ng mahigit 9 milyong kopya ng teacher guides, storybooks, at iba pang education aids para sa 3,000 public elementary schools sa bansa.

Nabatid na naging magkatuwang  ang  USAID at ang Department of Education (DepEd) para maisakatuparan ang proyekto sa walong school divisions sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Cebu, at Bohol, at sa mga lungsod ng Mandaue, San Fernando at Tagbilaran.

Ayon sa US Embassy, kahit nagwakas na ang proyekto ay patuloy na pakikinabangan ng milyong mag-aaral ang mga pagsasanay at reading materials na kanilang ipinagkaloob  sa walong school divisions.

Layunin pa ng nasabing proyekto na linangin ang kakayahang magbasa at umunawa ng mga bata.

“For example, USAID piloted the use of computer tablets for reading lessons, increasing their fluency and comprehension in both English and Filipino by as much as 20 percent,” nakasaad sa kalatas na inilabas ng embahada.

“Education is crucial for development and that the foundation of education begins with reading,” wika naman ni DepEd Undersecretary Dig-Dino.

“We are grateful to USAID for the continuous effort to help our learners gain the very critical skill of ­reading,” dagdag pa niya.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.