1K MAGSASAKA, MANGINGISDA INAYUDAHAN

TINATAYANG nasa 1,000 magsasaka at mangingisda sa Ilocos Norte ang nabiyayaan ng halos P157.9 mil­yong pisong halaga ng ayuda na ipinamahagi kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa paggunita sa ika-107 kaarawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pamimigay ng ayuda bilang bahagi sa paggunita sa Marcos Day Celebration para sa ika-107 anibersaryo ng kapanganakan  ng kanyang ama ,na ginanap sa Batac City.

“Ang mga tulong na ito ay bahagi lamang ng mas malaking hangarin natin para sa lahat na isang pagkilala sa sipag at sakripisyo na ibinubuhos ninyo sa Ilocos at para sa buong bansa,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Every step that we take comes under the unity that we have forged between the different agencies of our government. Lahat po ay magkasama,” dagdag pa ng Pangulo.

 Tiniyak ng Pangulo na nakatuon ang pansin niya sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Department of the Interior and Local Government (DILG) para agarang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangi­ngisda sa naturang lugar.

Kabilang sa  mga natanggap ng mga magsasaka, mangingisda at livestock raisers ay mga seeds, tractors, fertilizers, fishery paraphernalia, fuel subsidies, solar-po­wered irrigation systems at iba pa.

EVELYN QUIROZ