1ST ROLIGON PINTAKASI INT’L CHALLENGE LALARGA

sabong

ANG prestihiyosong sabong (cockfighting) —PINTAKASI event — ay maghahatid ng mas malaki at maaksiyong labanan sa paglarga ng 1st Roligon PINTAKASI International Challenge sa Pebrero sa susunod na taon sa pamosong Roligon Mega Cockpit Arena sa Paranaque City.

Hatid nina Rolando ‘Ka Lando’ S. Luzong at Nick Crisostomo, ang 12-cock International Gamefowl Breeders Derby (The Bloodline Challenge) ay nakatakda sa Pebrero 18 (Sabado) para sa isang 3-cock Group A eliminations. Susundan ito ng mga eliminasyon sa Group B at C sa Pebrero 20 at 21.

Ang 4-cock semifinals ay nakatakda sa Pebrero 22 (Group A), Pebrero 23 (B), at Pebrero 24 (C). Ang unang 40 kalahok na may 4, 4.5, o 5 na puntos ay magsasagupa para sa 5-cock pre-finals sa Pebrero 25, habang ang iba pang mga entry na may katulad na naipon na puntos ay magsasagupa sa Pebrero 27 (Lunes).

Lahat ng entry na may 5.5, 6, 6.5, at 7 points pagkatapos ng pre-finals ay magsasagupaan sa 5-cock Finals para sa kampeonato kung saan isang Galo Meliton trophy – bilang parangal sa yumaong Sabong Magazine publisher at kilalang ‘Ama ng Sabong Derby’ sa bansa – ang ipagkakaloob. Ang pangalan ng Pintakasi Champion ay iuukit din sa isang Perpetual Trophy na permanenteng ilalagay sa lobby ng Roligon Mega Arena.

“Ito ang kauna-unahang kaganapan sa makasaysayang Roligon Mega Cockpit kung saan naganap ang unang P3M, P4M, P6.5M, P8.8M, at P10M derby promotions sa bansa. Itong mga mapangahas na promosyon na pinangunahan ni Rolly Ligon ay nagpapakita ng tamang paraan kung paano dapat idaos ang marathon cockfighting tournaments na nagsisilbing modelo para sa mga breeders’ federation derbies na itatanghal sa mga susunod na panahon,” pahayag ni Luzong.

Ang mga lokal at dayuhang kalahok, gayundin ang mga bisita sa Pintakasi, ay magkakaroon din ng pagkakataong makadalo sa 2023 International Gamefowl Festival at Hobby Expo sa SMX Convention Center sa Pasay City na magtatampok ng pinakamalaki at pinakakapana-panabik na Gamefowl Show, Hobby Expo & Pet Convention.

Ang IGF 2023 Hobby Expo & Pet Convention ay magtatampok ng mga nangungunang gamefowl breeder, pigeon raiser, exotic na hayop at pet hobbyist, veterinary at nutrition supplier, gamefowl supplier, pigeon supplier, pigeon fancier, incubator, feed manufacturer, at mga kaugnay na produkto at serbisyong nakatuon sa gamefowl, pigeon raising, mga kakaibang hayop at pet hobbyist.

EDWIN ROLLON