2-0 SA ROAD WARRIORS

Mga laro ngayon:

Ynares Sports Center – Pasig

4 p.m. – Phoenix vs Blackwater

6:45 p.m. – Rain or Shine vs Terrafirma

NAGPASABOG si KJ McDaniels ng 40 points, kabilang ang 11 sa overtime, at nalusutan ng NLEX Road Warriors ang late rally ng NorthPort Batang Pier upang maitakas ang 120-115 sa PBA Governors’ Cup Biyernes sa Ynares Arena sa Pasig City.

Nagdagdag si McDaniels ng 15 rebounds, 6 assists, 2 steals, at 3 blocks at umangat ang NLEX sa 2-0 kartada.

Tumirada si Kevin Alas ng 21 points, kabilang ang 11-for-12 mula sa free throw stripe. Kinabilangan ito ng tatlong clutch free throws sa pagtatapos ng regulation na nakatulong sa Road Warriors para maipuwersa ang overtime. Kumalawit din siya ng apat na rebounds at apat na assists.

Ang ipinakitang katatagan ng kanyang tropa sa kabila na nabitawan ang maagang 14-point lead at humabol mula sa six-point deficit sa huling tatlong minuto ng regulation ay mas ikinatuwa ni coach Yeng Guiao kaysa sa 114-102 panalo kontra San Miguel Beer noong nakaraang Miyerkoles.

“We feel we have some momentum going to next week’s games,” sabi ni Guiao. “We’re 2 and 0, we’ve faced two great teams and we’ll try to keep getting better.”

Ang pagkatalo ay ikalawang heartbreaker para sa NorthPort, na kinapos din kontra Alaska, 85-87, sa opening day noong Miyerkoles.

Tumapos si Greg Slaughter na may 22 points at 7 rebounds habang nag-ambag si Cameron Forte ng 17 points, 23 rebounds at 5 assists para sa NorthPort.

Nabalewala rin ang kinamadang 20 points at 7 rebounds ni Arwind Santos para sa Batang Pier. CLYDE MARIANO

Iskor:

NLEX (120) – McDaniels 40, Alas 21, Miranda 13, Oftana 10, Trollano 8, Quinahan 8, Cruz 4, Magat 4, Semerad 4, Rosales 3, Varilla 3, Paniamogan 2.

NORTHPORT (115) – Slaughter 22, Santos 20, Bolick 18, Forte 17, Malonzo 14, Taha 9, Balanza 7, Ferrer 7, Rike 1, Elorde 0.

QS: 30-19, 57-50, 84-75, 102-102, 120-115 (OT).