Mga laro ngayon:
(Ynares Center)
4 p.m. -NLEX vs North Port
6:30 p.m. – Meralco vs TNT
SISIKAPIN ng NLEX at Meralco na makopo ang ikalawang sunod na panalo sa magkahiwalay na laro sa PBA Governor’s Cup ngayon sa Ynares Center sa Antipolo.
Makakasagupa ng Road Warriors ang North Port Batang Pier sa alas-4 ng hapon, kasunod ang bakbakan ng Bolts at TNT Katropa sa alas-6:30 ng gabi.
Ang follow-up victory ng NLEX sa 103-90 shocker nito laban sa TNT nito lamang Biyernes ay magbibigay sa koponan ng maagang liderato sa last season-ending tourney.
Makakasalo nito ang Bolts sa liderato kapag naduplika ng tropa ni coach Norman Black ang 109-106 panalo kontra Columbian Dyip sa opener.
Impresibo ang panalo ng Road Warriors dahil wala sina head coach Yeng Guiao at veteran center Asi Taulava, kapuwa nasa national team na sumasabak sa Asian Games sa Indonesia.
Wala rin sa North Port, dating GlobalPort, si Stanley Pringle dahil kasama rin ito sa PH team sa Asiad, gayundin si Sean Anthony na may injury.
Sa kabila nito, sinabi ni Batang Pier coach Pido Jarencio na nakahanda ang kanyang koponan sa laban.
“NLEX played a good game against TNT last night. Their import is strong,” wika ni Jarencio sa bisperas ng laban.
“We have to play our A-game tomorrow to beat NLEX.”
Samantala, inaasahang mapapalaban ang Bolts sa TNT dahil tiyak na babawi ang Texters sa pagkatalo sa NLEX noong Biyernes.
Hindi inaasahan ni coach Nash Racela ang pagkatalo sa Road Warriors, na bukod kina coach Guiao at Taulava ay hindi rin nakasama sina Kiefer Ravena at Kevin Alas.
Subalit, ayaw nang isipin ng TnT mentor ang pagkatalo at sa halip ay pinaghandaan na lamang ang laro kontra Meralco.
“It’s hard to think about that (loss). Ang importante is (for us to) prepare agad for the next game,” aniya.
“’Yun ang hirap kasi yung schedule na binigay we have to play back-to-back.”
Comments are closed.