BUMABA pa ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho noong Abril, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa ay bumaba sa 2.26 million noong April 2023 mula 2.76 million noong April 2022, o katumbas ng unemployment rate na 4.5% mula sa 50.31 million individuals sa labor force.
Month-on-month, ang bilang ng walang kayod na Pinoy noong April ay mas mababa kumpara sa 2.42 million na naitala noong Marso ngayong taon.
“Basically, if we look at it this is related to our economic activities,” wika ni Mapa.
Samantala, tumaas ang bilang ng mga may trabaho sa 48.06 million mula 45.63 million noong April 2022.
Katumbas ito ng employment rate na 95.5%, mas mataas sa 94.3% employment rate noong Abril ng nakaraang
taon.
Sa datos ng PSA, ang services sector ang may pinakamalaking bilang ng may trabaho sa 61.1%, habang ang agriculture at industry sectors ay may 21.9% at 17%, ayon sa pagkakasunod.
Ang top five sub-sectors na may pinakamalaking pagtaas sa bilang ng employed persons mula April 2022 hanggang April 2023 ay ang wholesale and retail trade; repair of motor vehicles and motorcycles (914,000); accommodation and food service activities (379,000); administrative and support service activities (345,000); transportation and storage (321,000); at other service activities (242,000).
Ang wage at salary workers ang bumubuo sa lion’s share ng employed persons na may 61.5% ng kabuuan.
Sa hanay ng wage at salary workers, ang mga may trabaho sa private establishments ay binubuo ng 47.6% ng kabuuan, sumusunod ang employed sa government o government-controlled corporations na may 9.2% share.
Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga may trabaho, ilang sektor ang nagposte ng pagbaba sa employment tulad ng agriculture and forestry (-290,000); manufacturing (-204,000); construction (-65,000); electricity, gas,
steam, at air conditioning supply (-18,000); at activities of extraterritorial organizations and bodies (-3,000).
Naitala naman ang bilang ng underemployed persons — yaong mga naghahangad na magkaroon ng karagdagang oras ng trabaho sa kanilang kasalukuyang trabaho o magkaroon ng bagong trabaho na may mas mahabang oras ng trabaho — sa 6.20 million, o katumbas ng underemployment rate na 12.9%.
Mas mababa ito sa 14% underemployment rate noong April 2022.
Sa lahat ng rehiyon, ang Region II ang nagtala ng pinakamataas na employment rate sa 97.6%, sumunod ang Cordillera Administrative Region sa 97.3%, Region IX sa 97.3%, MIMAROPA sa 97.1%, at Region XIII sa 97.0%.