MAYROON 2,500 job vacancies ang inialok sa “Kalinga sa Maynila PESO job fair” nitong Biyernes na inihayag sa ginanap na ‘Kalinga sa Maynila’ barangay forum sa Malate, Manila.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna, ang job fair ay bukas para sa lahat ng mga high school graduates, college level, college and tech/voc graduate sa ilalim ng pamamahala ng Public Employment Service Office (PESO) na pinamumunuan ni Fernan Bermejo at sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment – National Capital Region and DOLE NCR Manila Field Office.
Ang nasabing job fair ay ginawa dakong alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa A. Vasquez corner Gen. Malvar Streets, Malate, Manila sa District 5 at tumanggap ng applicants mula barangays 696, 697, 698, 699 at 703.
Samantala, sinabi ni Lacuna na ang Special Program for Employment of Students (SPES) ay magsisimula na kung saan may 40 slots ang inalok sa pamahalaang lungsod ng KNC Group of Companies para lamang sa first batch.
Alinsunod sa Republic Act No. 109171 at Republic Act No. 7323, ang SPES ay may ibang requirements para sa non-students, students at out-of-school youths (OSYs).
Pinapayuhan na hintayin ng mga applicants ang tawag ng online facilitator mula sa PESO upang kumpirmahin ang kanilang application bago ihanda ang documentary requirements gaya ng Photocopy of Birth Certificate o kahit na anong dokumento na nagpapakita ng kanyang kapanganakan o edad (must be 18-29 years old); at photocopy ng pinakahuling Income Tax Return (ITR) ng parents/legal guardian o certification na mula sa BIR na nagsasabi na ang parents/guardians ay exempted sa pagbabayad ng buwis o original Certificate of Indigence o original Certificate of Low Income na mula sa Barangay/DSWD o CSWD kung saan nakatira ang applicant.
Para sa mga estudyante, ang karagdagang requirements ay ang Photocopy of proof of average passing grade tulad ng Class card o Form 138 ng nakaraang semester o taon bago ang application at original copy ng Certification mula sa School Registrar na nakapasa ang mga grado sa preceding semester/year, kung hindi pa available ang mga grades.
Sa kaso naman ng mga OSY, karagdagang requirement ang original copy ng certification bilang OSY mula sa DSWD/CSWD o ng awtorisadong Barangay Official kung saan nakatira ang OSY.
Pinaalalahanan din ang mga applicants na tanging ang may kumpletong requirements lamang ang ipoproseso.
VERLIN RUIZ