ILOILO – PATAY ang isang 2-anyos na batang lalaki nang aksidente itong mahulog sa nilulutong batchoy sa bayan ng Carles sa lalawigang ito.
Batay sa ulat ng Carles PNP, ang insidente ay naganap sa mismong bahay ng biktima sa Barangay Pantalan sa nasabing bayan.
Ayon sa ina ng biktima, dalawa lamang sila ng kanyang anak sa bahay nang mangyari ang insidente dahil nasa eskwelahan ang isa pa niyang anak habang nasa trabaho naman ang kanyang asawa.
Aniya, nagluto siya ng batchoy na paninda at habang pinakukuluan niya ito ay saglit siyang pumasok sa bahay para ayusin ang ilang gamit.
Gayunpaman, laking gulat nito nang kanyang pagbalik ay nakita niyang nasa kaldero na ang anak na posibleng nahulog habang naglalaro.
Nagtamo ang biktima ng lapnos at paso mula sa dibdib at pababa ng katawan.
Naiusugod pa ang biktima sa ospital subalit dahil nasa isla ang kanilang bahay ay inabot nang halos isang oras ang biyahe kaya binawian din ng buhay ang biktima.
EUNICE CELARIO