MUNTINLUPA CITY – PATAY ang isang menor na rider at sugatan naman ang angkas nito matapos na ang kanilang sinasakyang mo-torsiklo ay sumampa sa center island at sumalpok sa isang poste kahapon sa lungsod na ito.
Sanhi ng matinding pinsala sa katawan ay dead on arrival sa Ospital ng Muntinlupa ang biktimang si Patrick Obispo, 14, at nilalapatan naman ng lunas sa nabanggit din na pagamutan ang angkas nitong si Oscar Mogate, 18.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente dakong 3:30 ng madaling araw sa Westbound lane ng Alabang-Zapote Road, Filinvest, Brgy. Alabang, Muntinlupa City.
Nabatid na minamaneho ng nasawing biktima ang isang Yamaha motorcycle na may sidecar at walang plaka habang angkas naman nito si Mogate.
Ayon sa report ng pulisya, habang binabagtas ng mga biktima ang naturang lugar ay hindi nakontrol ng driver ang preno nito dahilan upang sumampa sila sa center island hanggang sa sumalpok sa isang poste.
Sa lakas nang pagkakabangga ay nahulog ang mga biktima mula sa motorsiklo kung kaya’t mabilis na isinugod ang mga ito sa nabanggit na ospital nang rumispondeng Lifeline Rescue Ambulance, ngunit dineklarang DOA si Obispo ng mga doktor. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.