2 BAGONG KOPONAN SWAK SA PVL

ANG Premier Volleyball League (PVL) ay magkakaroon ng dalawang bagong koponan sa Invitational Conference sa katauhan ng Farm Fresh at Gerflor.

Ipinakilala ng Foxies at Defenders ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang social media posts, kung saan umaasa ang newbies ng liga na agad makagawa ng ingay sa mid-season tournament na nakatakdang magbukas ngayong buwan.

Si College of Saint Benilde star Mycah Go ang unang player na ipinakilala ng Farm Fresh.

Isang NCAA MVP na naging instrumento sa pagbuo ng Lady Blazers dynasty, si Go ay lalaro para sa Foxies via special guest license.

Noong 2021, pinayagan ng NCAA ang kanilang student-athletes na maglaro sa professional leagues basta may SGLs na inisyu ng Games and Amusements Board (GAB).

“The Farm Fresh fam is joining spiker @_mycss in her quest for a restart in her volleyball career,” ipinost ng club, binanggit ang Instragram account ni Go, sa pamamagitan ng social media pages nito noong Linggo ng gabi.

Hindi nakapaglaro si Go sa buong NCAA Season 98, kung saan nakopo ng Benilde ang ikalawang sunod na titulo, dahil sa knee injury na kanyang natamo sa pagsisimula ng taon.

Samantala, sina setters Fhen Emnas at Sarah Verutiao ang dalawang players na ipinakilala ng Gerflor kahapon.
“Sarah and Fhen will set the court on fire with their precise and impressive moves! We all hope for your support as they embark on this journey with us. Let’s go!,” ang post ng Defenders sa social media.

Produkto ng Adamson, ang mga dating koponan ni Emnas ay ang Bureau of Customs, Perlas at Army Black Mamba.
Si Verutiao ay dating Arellano University standout na isasagawa ang kanyang pro debut sa Gerflor.