2 BARANGAY SA CALOOCAN 1 LINGGONG LOCKDOWN

Oca Malapitan

DALAWANG barangay sa Caloocan City ang isinailalim sa isang linggong total lockdown hanggang Agosto 1 dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Mayor Oscar Malapitan na sarado pansamantala ang Barangay 95 at 97 mula hatinggabi ng Hulyo 26 hanggang 11:59 ng hapon ng Agosto1 dahil sa rami ng pasaway na kung saan ay may 20 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Barangay 95 habang nasa 13 naman sa Barangay 97.

“Napansin natin ang pagdami ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa dalawang barangay na ito sa nga nakalipas na ilang araw. Napagdesisyunan natin na isailalim na ang mga ito sa total lockdown upang mapigilan ang pagkalat ng virus,” ayon kay Ma­yor Oscar Malapitan.

Naipagbigay-alam na umano ng mga opis­yal ng mga nasabing barangay sa kanilang nasasakupan ang tungkol sa isasagawang lockdown ilang araw bago ito ipa­tupad.

Tiniyak naman ni Malapitan na mamamahagi ng pagkain para sa lahat ng 2,900 residente ng Barangay 95 at sa 1,800 residente ng Barangay 97.

Magsasagawa ng contact tracing ang Caloocan City Health Department sa panahon ng lockdown at magtatalaga rin ng mga pulis ang pamahalaang lungsod para dakipin ang mga lalabag sa quarantine. VICK TANES

Comments are closed.