2 BARANGAY SA NAVOTAS DRUG-FREE NA

NAVOTAS DRUG FREE

DALAWANG barangay sa Navotas ang nakatanggap ng sertipikasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagpapatibay na sila ay drug-cleared na.

Tinanggap ni Mayor John Rey Tiangco, kasama sina Punong Barangay Zenaida Tibulan ng North Bay Boulevard South Dagat-dagatan at Rochelle Vicencio ng Tanza II, ang mga sertipiko mula kay Rhea Valenzuela ng PDEA-National Capital Region na naganap noong Lunes ng hapon sa tanggapan ng alkalde.

“Lahat tayo ay dapat makiisa sa kampanya laban sa droga. Hindi lang ito para isulong ang kapayapaan at kaayusan sa ating lungsod. Ito ay para rin masiguro natin na ligtas ang kinabukasan ng ating mga anak,” ayon kay Tiangco.

Hinikayat ng alkalde ang mga Navoteños na patuloy na sumuporta sa anti-drug campaign ng pamahalaang lungsod. Madalas nakatatanggap ang lungsod ng mga report tungkol sa mga ilegal na gawain sa pamamagitan ng Text JRT numbers 0915-2601385 para sa Globe, 0908-8868578 para sa Smart, at 0922-8888578 para sa Sun.

Ang isang barangay ay iti­nuturing na drug-cleared kapag wala itong drug supply, drug den, pushers, users, at drug laboratory. Kailangan din na ang mga opisyal nito ay aktibong sumusuporta sa mga anti-drug activities. Mayroon din dapat itong drug awareness, preventive education and information, at voluntary and compulsory drug treatment and rehabilitation processing desk.

Ang Navotas ay nagsasagawa ng community-based treatment and rehabilitation program na tinatawag na Bidahan para sa mga drug user na handang magbago at dadaan pa sa counseling na isinasagawa dalawang beses isang linggo sa loob ng anim na buwan.

Ang mga kalahok sa Bidahan ay sumasailalim sa tatlong araw na retreat kung saan natututo sila tungkol sa masamang epekto ng droga sa kanilang katawan at kung paano iwasang malulong dito.

Simula nang maitatag ang Bidahan noong Oktubre 2016, nagkaroon na ito ng 20 batches na may 527 kalahok. Sa bilang na ito, 98 ang nakapagtapos sa 6-month rehab program at pito ang nagtapos ng 18-month aftercare treatment. VICK TANES

Comments are closed.