LAGUNA – AKSIDENTENG nalunod ang 32-anyos na magsasaka kabilang ang dalawa nitong pamangkin na menor de edad matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig ng San Cristobal River, Barangay Banlic, lungsod ng Calamba Biyernes ng umaga.
Ayon sa inisyal na ulat ni PLt. Col. Gene Licud, hepe ng pulisya, nakilala ang biktimang sina Dennis Espinosa at pamangkin nitong sina Jessie, 16-anyos at Jhone Asly Lalap, 13-anyos na pawang mga residente ng nasabing lugar.
Bandang alas-8 ng umaga noong Biyernes, hindi inaasahang maganap ang naturang insidente nang magtungo sa ilog ang mga biktima para manghuli ng isda.
Nabatid na aksidenteng madulas ang mga biktima sa gilid ng ilog at dahil sa malakas ang agos ng tubig ay tinangay ang mga ito na kung saan ay tinangka pang sagipin ni Espinosa ang dalawa pamangkin subali’t tuluyan itong inanod ng tubig hanggang sa malunod.
Agad na nagsagawa ng rescue at retrieval operation ang mga tauhan ni Public Order and Safety Office (POSO) Chief Jeffrey Rodriguez, Bureau of Fire Protection (BFP) at pulisya kung saan naisugod sa pagamutan si Jessie pero binawian rin ito ng buhay dahil sa dami ng nainom na tubig habang ang bangkay ni Espinosa at Jhone Asly ay magkahiwalay na natagpuan makalipas ang ilang oras. DICK GARAY
Comments are closed.