2 BUMBERO, 2 PA SUGATAN SA SUNOG

MAPALAD na nakaligtas at nagtamo lamang ng mga sugat sa katawan ang apat katao makaraang lamunin ng apoy ang isang residential area sa Sta. Mesa, Maynila kahapon ng umaga.

Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas- 9:45 ng umaga nang magsimula ang sunog sa isang bahay na gawa sa light materials.

Umabot ang sunog sa ikatlong alarma bandang alas-10:54 ng umaga kung saan humigit-kumulang sa 100 bahay ang nilamon ng apoy at 300 pamilya naman ang naapektuhan.

Kabilang ang dalawang fire volunteers sa sugatan nang napaso habang tinatangkang apulahin ang lumalaking sunog habang ang dalawa naman na nahirapang huminga ay kapwa residente.

Sa panayam kay Chairman Lito Linis ng Brgy. 598 na nakakasakop sa lugar, hindi agad nakahingi ng tulong sa barangay ang nasunugang bahay dahil sinubukan pa nilang apulahin ngunit hindi kinaya at mabilis na kumalat ang apoy .

Aniya dikit-dikit din ang mga bahay bukod pa sa maliliit ang eskinita at nasabayan pa ng malakas na hangin kaya maraming Bahay ang nadamay .

Kasalukuyang nanunuluyan ang mga nasunugan sa tatlong evacuation center ng barangay .
Inaalam pa na ng mga awtoridad ang halaga ng naging pinsala sa sunog maging ang tunay na sanhi nito. PAUL ROLDAN