PASAY CITY – KALABOSO ang dalawang Chinese makaraang pagtulungang bugbugin ang isa nilang kababayan sa harapan ng kilalang casino hotel kahapon ng madaling araw sa lungsod na ito.
Kinilala ni Pasay City police chief P/Colonel Bernard Yang ang mga suspek na sina Canfeng Lou, 37, at Long Zhong, 32, kapwa empleyado at residente ng Unit 1203 Hyatt Hotel na matatagpuan sa A. Mabini St., Manila.
Ayon sa report ni Yang na kanyang isinumite sa Southern Police District (SPD), nangyari ang panggugulpi ng mga suspek sa biktimang si Meng Xiang Wang, 28, residente ng Stanford 18P, Tower 1, Mckinley Hills, Taguig City, dakong alas-4:30 kahapon ng madaling araw sa East Wing entrance ng nasabing hotel.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sa hindi pa malamang dahilan ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang suspek sa biktima na nauwi sa pambubugbog ng dalawa laban sa biktima.
Mabilis na namagitan ang mga security guard ng nabanggit na hotel na nag-report at humingi ng police assistance sa Villamor Police Community Precinct (PCP) 10.
Pagdating ng mga rumespondeng tauhan ng PCP 10 ay may tensiyon pa rin sa magkabilang panig kung saan inimbitahan na lang ang mga ito na ayusin ang gulo sa estasyon ng pulisya.
Sa paghaharap ng biktima at ng dalawang suspek na bumugbog sa kanya ay desidido ang una na sampahan ng kasong physical injury at grave coercion ang mga suspek na pansamantalang nakapiit sa detention facility ng PCP 10. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.