MAGDARAOS ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng dalawang araw na “National Assessment Day” para sa mga technical vocational education and training (TVET) graduates at mga interesadong manggagawa na gaganapin sa June 26-27, 2018 sa lahat ng accredited assessment centers sa buong bansa.
Sinabi ni TESDA Director General, Sec. Guiling ‘Gene’ A. Mamondiong na ito ay libre kaya dapat itong samantalahin ng TVET graduates at mga manggagawa na nangangailangan nito para sa pag-a-apply ng trabaho.
Ang registration ay nagsimula nitong Mayo 21 hanggang Hunyo 15 na isasagawa sa lahat na TESDA District/Provincial Offices at accredited assessment centers sa buong bansa sa pakikipagtulungan sa mga kompanya at industriya, local government units (LGUs), national government agencies (NGAs) at iba pang TVET stakeholders.
Ang mga aplikante ay maaaring kumuha at mag-download ng Application Form sa https://goo.gl/sluc7c at ng Self-Assessment Guide (SAG) para sa iba’t ibang qualifications sa TESDA website http://www.tesda.gov.ph.
Bukas ito para sa mga interesadong industry workers na mayroon ng work experience; sa mga career shifters at mga unem-ployed adults na naghahanap ng trabaho; graduates ng TVET programs; at mga guro, trainers at iba pang indibiduwal na sumailalim na sa pagsasanay sa Trainer’s Methodology l at interesadong maging certified TVET Trainers at TESDA Accredited Assessors. BENJARDIE REYES
Comments are closed.