2 EX-DRUG DETAINEES, 3 PA KALABOSO SA P32.4K SHABU

shabu

CAVITE – WALANG kadala-dala sa kulungan ang dalawang dating drug detainees at tatlong iba pa na nasa drug watchlist makaraang makum­piskahan ng P32.4k halaga ng shabu at muling naaresto ng mga operatiba ng pulisya at PDEA 4A sa isinagawang magkasunod na anti-drug operation sa Bacoor City at General Trias City, Cavite kamakalawa ng hapon.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 sa prosecutor’s office ang mga suspek na sina Ruffa De Guzman y Diaz, 19, ng #715 Sulok Lawin Manggahan, Bacoor City; Irene Dacuma y Fuentes, 37, ng #373 Labrador Compound, Brgy. Sineguelasan, Bacoor City; Ronnie Jim Tresballes y Rebolledo, 39, ng Blk 5 Lot 3 BF Topman Homes 2, Brgy. Molino 6, Bacoor City; at ang dalawang dating drug detainees na sina Christopher “Popo” Timpoc y De Belen, 45; at Jeemar Estandarte y Ma­riano, 31, tattoo artist, kapwa nakatira sa Brgy. San Juan 1, General Trias City, Cavite.

Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, unang nadakma ng awtoridad sina De Guzman, Dacuma at Tresballes sa bahagi ng Sitio Tabing Dagat sa Brgy. Alima at Brgy. Molino 6 sa Bacoor City.

Samantala, kasunod namang nasakote sa inilatag na drug bust operation sa bahagi ng Brgy. San Juan 1 sa General Trias City ang dalawang dating drug detainees na si-na Timpoc at Estandarte na kalalaya lang sa police detention facility noong nakalipas na buwan.

Ayon sa ulat, may kabuuang 4.82 gramo ng shabu na may street value na P32,448.00 ang nakumpiska sa mga suspek kung saan ay isinailalim na ang mga ito sa drug test at physical examination habang pina-chemical analysis naman sa Cavite Provincial Crime Laboratory sa Imus City ang nasamsam na shabu na gagamiting karagdagang ebidensiya sa pagsasampa ng kaukulang kaso. MHAR BASCO

Comments are closed.